(Author's Note: Iba talaga nagagawa ng pag-RT nina @TanginaTibs, @TomboyTips at @Sapphic_Lounge! At sa mga friendship na sumusuporta [Toki!], salamat!)
Alas dos
na nang umaga pero ayaw pa ring manatiling nakapikit ang mga mata ni Tin. Dumako
ang mga ito sa mga picture frame sa ibabaw ng mesang katabi ng kama ni Sophie.
Merong kasama ni Sophie ang kanyang mga magulang sa graduation niya sa grade
school, si Sophie sa harap ng Statue of Liberty, at si Sophie na kasama siya,
kuha noong ika-pitong kaarawan ni Sophie na kasabay ng ikaanim na kaarawan
niya. Kahit madilim ay nakikita ni Tin sa larawan ang malapad na ngiti nilang
dalawa. Dahil na rin sa mas matanda si Sophie sa kanya ay mas matangkad din
ito. Magkaakbay sila. Pulang pula ang mga bibig ni Sophie dahil sa kakakain na
spaghetti, samantalang meron namang bahid ng spaghetti sauce ang kanang pisngi
ni Tin. Naaalala ni Tin ang araw na yun. Medyo bilugan pa ang hubog ng katawan ni
Sophie, samantalang siya naman ay patpatin. Pareho silang naka-Sunday dress,
blue ang sa kanya samantalang lila ang kay Sophie. Naaalala niya rin kung paano
niya sinuntok ang kapitbahay nilang si Nonoy nung araw na yun. Alam niyang nangyari
ang suntukan pagkatapos kunin ang larawang nasa ibabaw ng mesa. Pero hindi niya
maalala kung bakit siya nakipagsuntukan. Ang natatandaan lang niya’y matapos
yun ay pinagalitan siya ng kanyang Nanay at agad inuwi sa kanila. Kinabukasan
ay hindi na niya kinausap si Sophie. Katunayan, hindi na sila nakapag-usap
pagkatapos ng kanilang kaarawan. Isang buwan makalipas ang pagdiriwang na iyon
ay nagmigrate papuntang Amerika ang pamilya ni Sophie.
No comments:
Post a Comment