21 June 2003
Internet café.
Sixty pesos per hour.
Labinlimang kompyuter
sa loob ng isang mainit na silid. Laging punuan. Kinailangan pang maghintay ng
tatlumpung minuto bago matawag ang numero at makaupo sa harap ng monitor. Log
in muna sa MIRC, bago sa Yahoo. Compose mail. Simulan ang kwento.
Walang may nakakaalam ng tungkol sa aming
dalawa. Kelan din lang namin kapwa nalaman. May mga nag-uumpisa nang
magduda, ngunit wala pa kaming pinag-aminan. Minsa’y di namin maamin kahit na
sa aming mga sarili. May mukhang kailangang iharap sa tao, may mga
damdaming kailangang takpan ng anino. Kung kaming dalawa lamang ang magkasama’y
walang duda sa aming mga puso na kaya naming ipaglaban sa buong mundo ang sa
ami’y namamagitan. Ngunit kapag nariyan na ang kapatid niya, ang nanay
ko, o ang barkada namin ay nanghihina ang aming paninindigan. Taas-kamay kaming
sumusuko sa laban.
Kapag
kami’y nasasakop sa seguridad ng yakap ng isa’t-isa’y makukulay na pangarap ang
aming nabubuo, magagandang panaginip ang aming naisasakatuparan. Nguni’t
sa bawat pagkalas ay nahaharap kami sa katotohanang imposibleng magkaroon ng
katuparan ang aming mga hangarin. Ang mga pangarap ay nagiging abo ang
kulay, ang mga panaginip ay nauuwi sa bangungot.
Tingin sa katabi na
nakikiusyoso. Punta sa MIRC at sumagot sa mga trivia. Balik sa kwento.
Madalas
ay naiinggit ako sa mga taong kayang ipaglaban ang kanilang damdamin.
Pinapangarap kong sana’y magkaroon din kami ng lakas ng loob kagaya nila.
Sana’y maipagtanggol din namin ang isa’t-isa sa kabila ng mga mapanuring mata
ng publiko. Sana’y magkaroon kami ng tapang na subuking buuin ang matagal
na rin naming kinukulayang mga pangarap.
Send
sa sarili. Log out. Magbayad ng ninety pesos sa counter at lumabas sa
maalinsangan na silid upang salubungin ang mas maalinsangang kalye.
No comments:
Post a Comment