(Author's Note: Ang kuwentong Para Kay Aya. Ipino-post para kay Syb. Inaalay sa pagprotesta laban sa RA 10175 o Digital Martial Law. Ipinaglalaban ang karapatang sabihin ang gustong sabihin nang hindi natatakot sa panghuhusga, sa pagkakakulong, o pagmumulta ng wan milyon peysoseysoses. - Lee)
Previous: 1
22 August 2006
Living
room.
Dial
up internet @ 56 kbit/sec.
Log
in sa Peyups website. Punta sa forums. Write post. Simulan ang kwento.
Ayaw siyang dalawin ng antok. Ang utak niya’y parang ligaw na hayop na
matagal kinahon kaya’t pilit na nagpupumiglas.
Ang kaluluwa niya’y nagliliwaliw sa kung saan at parang wala pang
planong lisanin ang entabladong pinagbibidahan.
Ang mga mata niya’y matamang nakapokus sa kawalan --- tumitingin nang
hindi nakakakita.
Sa labas ay animo konsyerto ng iba’t
ibang klase ng tunog at awit. Huni ng
kuliglig, ng mga palaka at pati hangin ng gabing malalim ay ayaw magpatalo sa
himig na bumabasag sa kung ano mang nakabibinging katahimikan na pilit
sumasakop sa nakabubulag na kadiliman.
Sa loob ng apat na sulok ng maliit
na kwarto ay malapot ang hangin. Halo-halong amoy ng pawis at pagnanasa ang
humahalimuyak. Subukan man itong itaboy
ng hanging ibinubuga ng maliit na electric fan ay hindi nito makayanan.
Tumigil
saglit. Patayin ang ilaw upang hindi mahalatang nagpupuyat. Magpatuloy.
Nang mga sandaling iyon
naalimpungatan ang balingkinitang katawang nasa kanyang tabi. Katawang hubad at tanging bumabalot ay ang
manipis na kumot na naging saksi sa maalab na pag-iisang naganap ilang oras ang
nakararaan.
“Ok
ka lang?”
Tanong ng katabi niya habang pilit nitong
minumulat ang namumungay at inaantok na mga mata. Mga matang madalas ay lagusan ng walang
katapusang luha, malimit ay bintana sa wagas na pagmamahal na handa nitong
ialay nang walang pagdadalawang-isip.
Mga matang daig pa ang mikroskopyo sa pagdidiskubre ng damdamin ---
pighati man o kaligayahan --- na pilit niyang tinatago sa mga mapanuri at
mapanghusgang mata ng karamihan.
“Oo,
ok lang ako. Matulog ka na kasi maaga pa ang pasok mo bukas.”
Dinampian niya ng masuyong halik ang kanyang
katabi, hinaplos ang kayumanggi nitong balat at ibinalot ang kayakap sa mga
bisig na handang kumupkop, handang magtanggol sa maselang nilalang na payapang
nahihimbing roon.
Paano niya magagawang saktan ang
babaeng pinakamamahal niya? Paano niya
magagawang iwanan ang tanging dahilan ng pag-ikot ng kanyang mundo? Paano niya magagawang talikuran ang
nag-iisang pinagmumulan ng katinuang hindi niya mahagilap sa daigdig na ito?
Muling
tumigil. Pakiramdaman ang kaluskos na galing sa kwarto sa ikalawang palapag ng
bahay. Basahin ang isinulat mula umpisa. Burahin ang isang pangungusap. Ctrl Z.
Burahin ang buong talata. Magpatuloy.
“Ang tanga-tanga mo!”
Boses ng ina niya ang lumulunod sa kung
anumang ingay na bumabalot sa gabing iyon.
Ito rin ang boses na nagsabing wala siyang ambisyon sa buhay dahil
tinanggihan niya ang alok ng kanyang tiyahing magtrabaho sa Canada; boses na
buong buhay niyang sinunod nang walang tanong o kibot. Bakit nga ba ang hirap ipaliwanag sa nanay
niya na meron din naman siyang ambisyon?
Na hindi niya kailangang magpaalipin sa dayuhan para maabot ang
ambisyong iyon.
Tanga daw siya. Hindi bale nang valedictorian siya ng
Pisay. Hindi bale nang Cum Laude siya
nung nagtapos ng kolehiyo. Hindi bale
nang mataas na posisyon ang kasalukuyan niyang hinahawakan sa kumpanyang
pinapasukan. Walang saysay ang lahat ng
karangalang kanyang natamo dahil tanga siya sa mga mata ng nanay niya.
“Alam
mo ba ang ginagawa mo? Babae ka at babae rin yang kinakalantari mo. Bigyan mo naman ng kahit konting kahihiyan
yang sarili mo!”
Muli niyang tiningnan ang mala-anghel na
mukhang bahagyang tinatago ng nagwawala nitong buhok. Hinawi niya ang mga masabad na hibla at
muli’y dinampian ng masuyong halik ang kanyang katabi. Isang manipis na ngiti lamang ang sumilay sa
labi ng katabi niya. Ngiting punong-puno
ng pananalig, ngiting punong-puno ng pagmamahal.
Ang ngiting iyon ang huli niyang
nakita bago tuluyang pumikit ang kanyang mga mata, bago lumipad ang kanyang
kamalayan sa lugar na walang pag-aalinlangan, walang pangamba, at walang
panghuhusga.
Submit
post. Logout. Shut down. Pindutin ang cellphone para magkailaw ang madilim na
sala. Alas singko y media nang madaling araw. Dahan dahang pumanhik sa kwarto.
Tumingin sa aparador bago ipikit ang mga mata. Ipaalala sa sarili ang mga damit
na kailangan nang itapon / ipamigay / gawing basahan.
No comments:
Post a Comment