(Author's Note: Hanggang saan mo siya kayang ipaglaban? - Lee)
14 February 2012
Hotel
room.
Libreng
Wi-Fi gamit ang netbook.
Download
ng “Yes or No” torrent. Basa sa PEx ng tungkol sa DivTin loveteam ng Pinoy Big
Brother. Punta sa Facebook. Write note.
Sampung taon rin tayong naging
tayo. Sampung taon ng saya, lungkot,
galit, pagdududa, at ligaya. Sampung
taon ng pag-aaway, pagbabati, pag-aaway at pagbabati muli. Sampung taong hindi lamang minsang binadya ng
banta ng paghihiwalayan.
Hindi ko malilimutan ang mga unang
pangyayari sa ating pagsasama. Unang
halik, unang yakap, unang pag-iisa.
Unang aminan ng pagmamahal, unang pagtanggap sa pareho nating
nararamdaman. Kapwa man tayong hindi
bihasa sa larangang iyo’y lubos nating nilasap ang bawat pagkakataon.
Higit
na hindi ko malilimutan nang unang mabanggit ang katagang kasal. Hindi ba’t ikaw pa nga ang nagyaya sa
akin? Tumawa lamang ako’t binalewala ang
alok mo apat na taon na ang nakalilipas.
Sa isip-isip ko noo’y nahihibang ka na yata. Pabiro man o seryoso ang alok mong iyo’y
ayoko nang pagtuunan ng pansin. Basta’t
ang mahalaga’y mula noon ay sabay nating hinabi ang ating mga pangarap. Sabay nating kinulayan ang mga panaginip nang
bahagi ang isa’t isa.
Pinangarap
natin ang pagkakaroon ng sariling bahay at sasakyan, ang pagtatayo ng negosyo,
ang pagkakaroon ng anak. Noo’y mga
pangarap lamang ang mga itong iginuhit sa tubig ng dalawang nilalang na
dalawampu’t tatlong taon pa lamang nararanasan ang mabuhay sa mundo. Libre nga naman ang mangarap, di ba? At nung mga panahong iyon ay pinapatos natin
ang kahit na anong libre.
Sinong
mag-aakalang maisasakatuparan natin ang mga pangarap na iyon? Sinong mag-aakalang darating ang araw na ito
--- ang sandaling pagmamasdan kitang papalapit sa dambana, suot ang simpleng puting
trahe na may puntas na kulay lila.
Matagal na akong pamilyar sa kariktan mong minsa’y iyong
nalilimutan. Ngunit nang mga oras na
iyo’y punong-puno ng hindi maipaliwanag na kagalakan ang aking damdamin habang
nililinang ko ang iyong kagandahan.
Ako na yata ang pinakamaswerteng tao
sa mundo nang mga sandaling iyon. Tumayo
ang iilan nating mga bisita at habang ika’y kanilang pinagmamasdan ay ramdam
kong kanila ring nasilayan ang iyong karilagang hindi mo sinasadyang ikubli sa
karamihan. Habang naririnig ko sa koro
ang himig ng isa sa mga paborito nating awitin ay binaha ng alaala ang aking
isipan. Noon ko naipanalangin na sana’y
naroon ang nanay ko upang masaksihan niya ang pag-iisang dibdib ng kanyang
panganay. Sana’y nakita niya ang
nag-uumapaw mong pagmamahal para sa akin, at ang walang hanggan kong pag-ibig
para sa iyo. Ayoko mang mabahiran ng
lungkot ang napakagandang sandaling iyo’y hindi ko nagawang lunurin ang isang
mapait na alaala.
“Sa Sabado na po ang kasal namin ni
Aya, Inay. Sana po ay makadalo kayo.”
“At bakit naman ako dadalo sa
kasal-kasalan niyo? Babae’t lalake lang
ang pwedeng ikasal sa mata ng tao at sa mata ng Diyos. Hindi ang mga kagaya niyo. Hindi niyo na inisip ang sasabihin ng ibang
tao. Hindi mo na ako binigyan ng kahihiyan. Umalis na kayo’t ayoko na kayong makita kahit
kailan. Wala akong anak na tomboy!”
May munting kirot akong nadama at ni hindi
ko halos namalayan na nariyan ka na pala sa aking tabi.
“Ok ka lang?”
Masuyo mong hinawakan ang aking mga kamay at
matamang tinitigan ang aking mga mata.
Sandali akong natigilan habang tinitingnan ko ang mamasa-masa mo nang
mga pisngi. Kailan ka nga ba hindi
umiyak sa mga sitwasyong kagaya nito? At
tulad ng dati’y naramdaman kong pinipiga ang aking puso habang nanlalambot ang
buo kong pagkatao sa bawat pagdaloy ng iyong mga luha.
“Ikakasal ako sa taong nagpapaligaya
sa akin nang lubos at nagmamahal sa akin nang buong-buo. Ikakasal ako sa taong pinakamamahal ko at
pinakaiingatan. Siguro naman alam mong higit
pa sa ok ang nararamdaman ko ngayon.”
Alam kong hindi magiging paraiso ang buhay
nating dalawa, hindi magiging madali ang ating pagsasama lalo na sa kalagayan
natin sa mata ng lipunan. May mga
kamag-anak na hindi makakaintindi, may mga kaibigang manghuhusga. Ngunit sa pagkakataong ito’y walang halaga sa
akin ang opinyon nila. Ikaw ang
isinisigaw ng puso at isip ko. Ikaw ang
nais kong maging bahagi ng mga hinahabi kong pangarap. Ikaw ang nais kong makasama habambuhay.
Hindi man tayo sa simbahan
mag-iisang dibdib ay sa Diyos pa rin ako manunumpa. Kakayanin ko ang lahat basta’t kasama
kita. Haharapin natin ang bukas nang
magkatuwang, sa karamdaman man o kalusugan, sa yaman o kahirapan, hanggang sa
paghiwalayin tayo ng kamatayan.
Basahin
ang isinulat. Ctrl A. Delete. Close browser. Kunin ang cellphone at magtext.
“Ktatapos
lng po ng seminar nmn knina. Uwi na po ako bukas.”
Send
to NANAY.
Humiga
sa kama. Yakapin ang katabi.
Tapusin ang kwento.
~TAPOS~
No comments:
Post a Comment